Sunday, June 24, 2018

HOY, PINOY

Pilipino ka ba?
Magluksa, lumuhod, umiyak
Magdasal nang may pagsisisi
Nakapanlulumo Pilipinas na  mahal
Biglang nahulog sa mabahong burak
Watak-watak, warak-warak

Lideratong sinungaling
Nangako, napako
Paulit-ulit, paulit-ulit, sablay naman
Bulag na tagasunod parang mga tuod
Nagmana sa mapanlinlang na amo
Tila may panggayuma, siguro nga

Malinaw na ebidensya huwag bale-walain
Baksak na ekonomiya, mga pekeng balita
Patayang kahina-hinala, bagsak na hustisya
Kahiya-hiyang imahe sa mga tagalabas
Insulto dito, umaatitabong mura na parang may tama
Kinatutuwaan, pinapalakpakan, di ko maintindihan

Pati yamang-dagat, islang atin naman
Tipong hinayaang maangkin ng Tsina
Malaking palaisipan, may kapalit kaya?
United Nations kakampi't sang-ayon
Pero tayo natameme, parang naengkanto
Hoy Pinoy, iginisa ka na sa sariling mantika

Kawawang kabataan
Sinong magtuturo kung baluktot si tatay?
Kung ganyan umunlad, gayahin na lang
Mangako, magsinungaling, magkengkoy
Ikaw'y papalakpakan
Mapagtatakpan mga kapalpakan

'Yan ang akala niya kaya nagpipiyesta
Hindi natutulog Diyos na minura
Sino ba ang tao at kapangyarihan nya
Kung walang basbas ng gumawa sa kanya
Lakas ng apog maaagnas, matutunaw
Pag si Lord hinamon lalo ng mayabang
Subsob, sadsad, kangkungan katapat nya

Mga kababayan, dumilat, gumising
Kusutin ang mata, mag-isip
Tayo ang Pinoy, isang bansa
Hindi lang isang tao at alipores nya
Humingi ng galing mula sa pinakamagaling
Kahit among baluktot, maitutuwid o mapapalitan din
Balon mang malalim ang kinasadlakan
May makakapitan, makakaahon din

No comments:

Post a Comment