"Salita! Salita! Salita! Araw-araw salita; mula sa
kanya, ngayon sa 'yo! Yan lang ba ang magagawa nyong mga perwisyo?"
'Yan ang isina-tagalog na awit ni Eliza, ginanap ng paborito
kong aktres na si Audrey Hepburn, sa Broadway movie musical na "My Fair
Lady."
Ganyan din bang sick-and-tired
na pakiramdam ang nadarama mo pag nagbubukas ka ng Facebook? Maaasim na salita
na parang tsunami ang dating. Minsan gusto mo na lang i-X ang mga ganyang post para
makapagkape ka nang mahinahon.
Pero bakit nga Juan versus Juan ang mga pananalita natin? Baha
na ang internet ng tone-toneladang pagmumura
at salitang galit. Tuloy, marami nang nag-unfriend
ng mga kaibigan nila sa Facebook. May mga tuluyan nang nagsarado ng FB accounts
nila.
Hindi na ba talaga pwedeng mag-komento ang isang tao hinggil
sa state of affairs ng bansa natin, o
tungkol sa hindi magandang asal ng mga opisyal? Bakit aatakihin ka ng iba dahil
dito? At bakit kailangang ipagtanggol ang isang masamang nagawa?
Bakit kailangang
sirain ang isang komento hinggil dito?
At bakit kailangang mang-alipusta o magmura? Sa totoo lang, parehong
panig―pro o con man―ay guilty.
Subalit ito ang tunay na nakakainis: ang pagbaha ng sangkatutak
na kasinungalingan, gawa ng mga tinatawag na trolls. Misyon ng mga trolls na
palabuin ang katotohanan. Sa sama nang pagkakasulat ng mga inimbento nilang
balita, kung iintindihin mo, madidiskubre mong ang mga ito ay kasinungalingan.
Ito ang isa sa mga itinuro sa atin sa eskwela: na sa isang demokrasyang
bansa, kung maglalahad ka ng opinyon, hindi ka dapat matakot na may pumula sa
'yo.
Sa kasalukuyan, napaka-hati ng ating bayan. Masyado tayong
natali sa pagka-kanya-kanya o pagka-kampo-kampo, na hindi na bukas ang utak
natin sa ibang pananaw. Walang turuan!
Lahat tayo'y naging mapanghusga at makitid ang isipan.
Bakit hindi na lang natin tingnan ang mga situwasyon ayon sa
pananaw ng Panginoon?
Lahat tayo ay nagkasala, walang matuwid, Romans 3:23! Kaya walang
makapagsasabing may isang taong puro tama ang gawa; kaya hindi dapat
ipagtanggol kung ang isang tao ay mali na ang ginagawa―lalo kung ito'y malinaw na mali. Kahit pa siya
ang presidente!
Kahanga-hanga ang president natin. Mahal niya ang bayan natin
at hangad niyang mapabuti ang buhay ng mahihirap. Dapat tularan ang marubdob
niyang pagnanasa na ibuwal ang lawless
elements. Subalit walang isa man―presidente
man siya o pulis―ang makapaghuhusga
sa isang nagkamali maliban sa proseso ng due
process at ng batas.
Hustisya at rule of
law ang dapat masunod. Kung hindi, maraming inosente ang madadawit. Concern
ito ng mga human rights groups. Subalit mas dapat tayong mabahala sa sinasabi ng Panginoon.
Makapangyarihan ang mga salita. Nagsalita ang Diyos at
nalalang ang lahat. Kaya sabi ng biblia, "Ang buhay at kamatayan ay nasa
pwersa ng dila," Proverbs 18:21. Ang mga salita ay nakaka-buhay o
nakakasira.
Kaya bilang mananampalataya, hindi ako matahimik pag
naririnig ko ang president natin na nagmumura, o nagsasalita nang pabalang at
walang respeto sa iba. Napapanood natin siya araw-araw sa primetime TV.
Pinapakinggan siya ng kabataan. Buong mundo ay nanonood!
Natutuhan ko sa paaralan na importate ang respeto para
magtagumpay sa buhay. Ako ay isang guro, at halos araw-araw, ipinapaalala ko sa
aking mga estudyante, "Maging magalang kayo," lalo na kung may
nakikita akong nang-bu-bully.
Kaya umaasa din ako na maging magalang din ang ating president.
Dapat makita ito ng mga kabataan sa kanya; kasi kung hindi, bakit pa natin
ituturo ito? At saka, ang paggalang ay umaani rin ng paggalang ng iba. Kung ano
ang itinanim, ito rin ang aanihin.
Gusto nating irespeto ng lahat hindi lang ang ating president
kundi lahat ng Pilipino na nagsisikap
magtagumpay, nasa Manila, New York o Singapore man siya.
Ayaw nating umalis ang mga investors dito sa Pilipinas. Masyado
silang nababahala pag ang lider ng bansang kinaroroonan nila ay astang champion ng "you and me against the
world" na kaisipan.
Kasama tayo sa family
of nations kaya kailangan nating matutong makipag-isa sa ibang bansa.
"Sinumang na-ko-kontrol ng salita niya ay marunong, at
siya na may mapagtimping ugali ay nakakaintindi," Proverbs 17:27.
Ephesians 4:29―Huwag
bayaang lumabas sa inyong mga bibig ang corrupt na salita, kundi yun lamang
mabuti para sa ikatataas ng iba, ayon sa okasyon, upang ito ay magbigay-grasya
sa mga nakikinig.
Patuloy nating ipagdasal―hindi
lamang para malaya tayong makapaglahad ng opinyon, kundi upang tayong mga
Pilipino ay hindi makaramdam ng takot pag tayo'y nagsalita. Mas malaking
dalangin natin: na hindi ipagbunyi sa bansang ito ang mali, at magsaya tayo sa mga
tamang gawa.
Pilipino ako, taas-noong Pilipino. At patuloy kong
ipagdarasal ang ating presidente at bansa.